Biyernes, Disyembre 28, 2018

Tayo'y mga manlalakbay

TAYO'Y MGA MANLALAKBAY

sa daigdig na ito, tayo'y mga manlalakbay
nakikita ang laksang suliraning kaagapay
may iilang sa yaman ay nagtatamasang tunay
habang mayoryang dalita'y sa hirap nakaratay

ano ba't paikot-ikot lang ang buhay na ito?
na kain, tulog, trabaho, kain, tulog, trabaho?
ganito na lang ba ang buhay hanggang magretiro?
habang sa bansa'y naghahari ang burgesya't tuso

ganito ba ang daigdig na nilalakbay natin?
laksa'y walang pakialam, anuman ang palarin?
burgesya lang ang natutuwa't kain lang ng kain
bundat na ang tiyan, paglamon ay patuloy pa rin

kaya saludo ako sa lahat ng kumikilos
upang tuluyang mawakasan ang pambubusabos
nais na bulok na sistema'y tuluyang matapos
at mailagay sa tuktok ang manggagawa't kapos

- gregbituinjr.

Sa relokasyon

di ibig sabihing nalipat ka sa relokasyon
tapos na ang problema mo't titira na lang doon
kayraming bayarin, bagong problema'y masusunson
ngunit maganda nang simula't kayo na'y naroon

bagong simula, bagong problema, bagong paglaban
bagong mga bayarin ay paano babayaran?
bagong buhay, bagong hamon, bagong inaasahan
bagong pakikibaka sa bago ninyong tirahan

sa relokasyon, dapat kayong nagkakapitbisig
magtulong-tulong kahit wala pang kuryente't tubig
doon bubuuin ang bagong buhay ninyong ibig
sa problemang kinakaharap, huwag magpalupig

- gregbituinjr.

Miyerkules, Disyembre 26, 2018

Manggagawa, kayo ang punong dapat nang mamuno

manggagawa, magkapitbisig sa pakikibaka
panahon na upang ang buong uri'y magkaisa
dapat na ninyong itatag ang sariling sistema
lipunang makatao, makamasa, sosyalista

pagkat kayo ang lumikha ng yaman ng lipunan
kayo rin ang lumikha ng ekonomya ng bayan
habang pribadong pag-aari'y pribilehiyo lang
ng iilan, ng karampot na burgesya't mayaman

manggagawa, magkaisa kayo't magkapitbisig
ang sistemang kapitalismo'y dapat n'yong malupig
panahon na upang ipakita ang inyong tindig
uring obrero ang dapat mamuno sa daigdig

manggagawa, kayo ang punong dapat nang mamuno
habang kapitalismo'y dahong dapat nang matuyo

- gregbituinjr.

Martes, Disyembre 25, 2018

Ilang tanong ngayong kapaskuhan

ILANG TANONG NGAYONG KAPASKUHAN
(Hinggil sa mga biktima ng EJK)

ngayong Pasko ba'y may matatanaw silang hustisya?
sa sunod na taon ba'y tuloy ang pakikibaka?
may katarungan ba sa pinaslang na mahal nila?
maibabagsak ba ang mga berdugo't pasista?

karahasan ba'y wala na sa susunod na taon?
pamilya ng mga natokhang ba'y makakabangon?
o sa hinanakit at panlulumo'y mababaon?
o sa salitang "durugista" sila'y ikakahon?

mangyari kayang wala nang dahas at nandarahas?
mangyari kayang wala nang pambababoy sa batas?
mangyari kayang ang problemang ganito'y malutas?
mangyari kayang matigil na ang mga pag-utas?

- gregbituinjr., 25 disyembre 2018

Panawagan ngayong Pasko

PANAWAGAN NGAYONG PASKO

may lambong man ng ulap itong kapaskuhan
hangad ko'y hustisya sa pamilyang tinokhang
kapamilya nila'y basta na lang pinaslang
di nilitis, dinala na kay Kamatayan
ang hiling namin ngayong Pasko: KATARUNGAN!

may hustisya sana sa susunod na Pasko
igalang sana ang karapatang pantao
kung may sala, idaan sa wastong proseso
litisin, kung mapatunayan, kalaboso
ngunit huwag basta pumaslang ng kapwa mo!

- gregbituinjr., 25 disyembre 2018

Linggo, Disyembre 23, 2018

gobyerno ng iilan

Gumuguhit sa dibdib ang kawalang katarungan
Oo, pagkat laksa-laksa na ang katiwalian
Binuhay sa kurakot ang gobyerno ng iilan
Yamang silang burgesya ang nasa kapangyarihan
Estimado lang nila'y yaong kauring mayaman
Rinig ng maralitang sila lagi'y bibirahin
Na sila'y sakit sa mata ng gobyernong ubanin
O kaya'y mga daga ang dukhang dapat lurayin
Na dapat lamang itaboy o itapon sa bangin
Ginugulangan ang dukha ng mayamang salarin
Itigil ang mga panggigipit sa mga dukha
Itaboy ang mga mapagsamantala't kuhila
Linisin at palitan ang daigdig ng dalita
At pangarapin ang makataong mundo ng madla
Na dapat itayo ang lipunan ng manggagawa

- gregbituinjr.

Linggo, Disyembre 2, 2018

Basta dukha, mababa ang kanilang pagtingin

BASTA DUKHA, MABABA ANG KANILANG PAGTINGIN

basta dukha, mababa ang kanilang pagtingin
magagaspang ang kilos, maamos at marusing
itinuring pa nilang basta dukha'y uhugin
tila walang hilamos at mukhang bagong gising

kahit mga kasama, tingin nila'y kaybaba
walang pinag-aralan at mababaw ang luha
mukhang di inaruga ang palaboy na bata
tila walang magulang, sila ba'y naulila

ang mga manggagawang hirap ngunit may sweldo
na kahit mababa man ay karespe-respeto
ngunit tingin sa dukha'y sanay sa basag-ulo
na naghahanap lamang kung anong matityempo

dukha nga ba'y kauri ng mga manggagawa
at pinandidirihan nitong uring panggitna
o sila'y kauri lang ng sadyang walang-wala
na obrero man, tingin sa kanila'y kaybaba

ang dukha kasi'y walang pribadong pag-aari
na animo'y pulubi sa mga naghahari
walang dignidad, ayon sa nagkalat na pari
dapat lang magkaisa ang dukha bilang uri

- gregbituinjr.