Huwebes, Pebrero 28, 2019

Huwag hayaang magsasaka'y mawalang tuluyan

HUWAG HAYAANG MAGSASAKA'Y MAWALANG TULUYAN

ang magtanim ay di biro't maghapong nakayuko
anang isang awiting Pinoy, tanong ko naman po
paano kung wala nang magtanim, ito'y di biro
paano kung magsasaka'y tuluyan nang maglaho

magsaka'y gawa lang ba ng matatanda sa nayon
pagkat magsaka'y di gusto ng bagong henerasyon?
palipasan na lang ba ng senior citizen ngayon
ang magsaka sa lupa't maputikan man maghapon?

paano na itong bigas sa panahong darating
kung pawang matatanda na ang magsasaka natin?
paa'y ba'y magpuputik kaya ayaw sa bukirin
baka sabihin ng dilag, binata'y marurusing

di ba't mas mabuting ang palad nati'y magkalipak
tanda ng sipag at kayang buhayin ang mag-anak
mabuting magsikap, mag-araro man sa pinitak
di gawaing masama't di gumagapang sa lusak

halina't magsuri't pag-aralan itong lipunan
ang pagsasaka'y sagot pa rin sa kinabukasan
huwag hayaang magsasaka'y mawalang tuluyan
dapat kahit kabataan, ang araro'y tanganan

- gregbituinjr.

Miyerkules, Pebrero 27, 2019

Ang halalang ito'y gawin nating makasaysayan

ANG HALALANG ITO'Y GAWIN NATING MAKASAYSAYAN

wala pa tayong Senador na manggagawa
na ilang taong nagtrabaho sa pabrika
elitista't artista ang bumubulaga
nananalo sapagkat masa'y nagpabola

kaya ang sigaw namin: Manggagawa Naman!
iboto ang manggagawang subok sa galing
ang aming kandidato: Leody de Guzman
lider-manggagawa, prinsipyado, magiting

ang mga trapong Senador ay walang nagawa
upang buhay ng masa'y guminhawang ganap
baka lider-obrero'y pag-asa ng madla
upang ipaglaban ang kanilang pangarap

gawing makasaysayan ang halalang ito
at maging bahagi tayo ng kasaysayan
lider-manggagawa'y ilagay sa Senado
kaya ating iboto: Leody De Guzman

- gregbituinjr.

Linggo, Pebrero 24, 2019

Si Clara Zetkin, sosyalistang lider-kababaihan

SI CLARA ZETKIN,  SOSYALISTANG LIDER-KABABAIHAN

taas-kamao sa sosyalistang si Clara Zetkin
lider-kababaihan at kaibigan ni Lenin
at Rosa Luxemburg na pawang mga magigiting
na sa kanilang panahon ay bayaning tinuring

sa Stuggart, siya'y kasapi ng Bookbinders Union
naging aktibo rin sa Tailors and Seamstresses Union
at dati ring Kalihim ng Internasyunal noon
gayong ilegal sa babae noon ang mag-unyon

kumperensya ng mga babae'y inorganisa
pagboto ng babae'y ipinaglaban din niya
at nilabanan ang peminismong sumusuporta
sa restriksyon sa pagbotong batay sa ari't kita

mas nakatuon siya sa uri, at di sa sekso
na prinsipyo niya sa panlipunang pagbabago
naniniwala si Zetkin na tanging sosyalismo
ang daan upang lumaya ang babae't obrero

malaki ang inambag ni Zetkin sa kasaysayan
ng daigdig, lalo sa mapagpalayang kilusan
ng mga kababaihan tungo sa kalayaan
at nag-organisa ng Araw ng Kababaihan

kaya muli, isang taas-kamaong pagpupugay
kay Clara Zetkin na talagang sosyalistang tunay
sa manggagawa't sosyalismo, buhay ay inalay
kaya sa iyo, Clara Zetkin: Mabuhay! Mabuhay!

- gregbituinjr.

Miyerkules, Pebrero 20, 2019

Ang awiting Heal the World ni Michael Jackson

ANG AWITING "HEAL THE WORLD" NI MICHAEL JACKSON

halina't pakinggan ang Heal the World ni Michael Jackson
sapagkat awiting ito'y isang mensahe't hamon
tila ba sa plastik at usok, tao'y nagugumon
at mga isda sa dagat, upos ang nilululon

halina't awiting Heal the World ay ating suriin
ang mensahe'y sa kapwa tao inihahabilin
sakit nitong mundo'y tulong-tulong nating gamutin
paano ba kanser ng lipunan ay lulutasin

daigdig bang tahanan nati'y sakbibi na ng lumbay
pagkat pinababayaan natin itong maluray
ng usok ng kapitalismong naninirang tunay
sa ngalan ng tubo, kalikasa'y ginutay-gutay

huwag nating ipagwalangbahala't isantabi
kundi damhin natin ang awit, ang kanyang mensahe
ang habilin sa ating kumilos at maging saksi
upang henerasyon nati'y di magsisi sa huli

- gregbituinjr.

Martes, Pebrero 19, 2019

Ating pangalagaan si Inang Kalikasan

ATING PANGALAGAAN 
SI INANG KALIKASAN

* Sinubukan kong magsulat ng tula sa parang pang-huweteng na papel, at nakabuo ng isang tula. Ito yung tinabas kong long bond paper upang gawing short. Pitong pantig bawat taludtod.

ating pangalagaan
si Inang Kalikasan
kanyang sinapupunan
ang ating pinagmulan

di ba't kaibig-ibig
ang buhay sa daigdig
ano't tayo'y natulig
sa plastik na bumikig

ang basura'y nagkalat
pulos plastik ang dagat
kung saan-saan nagbuhat
lamok na'y nangangagat

sinong dapat sisihin
di ba't tayo na nga rin
ang ugaling waldasin
ay tigilan na natin

halina't magkaisa
ayusin ang basura
huwag nang magtapon pa
sa dagat at kalsada

tipunin din ang plastik
subukang i-ekobrik
sa botelya'y isiksik
ngunit huwag idikdik

tanaw ang hinaharap
di malambong ang ulap
at tayo nang magsikap
buuin ang pangarap

- gregbituinjr./02-19-2019

Lunes, Pebrero 18, 2019

Sino nga ba ang sinungaling?

sino nga ba ang sinungaling kundi mga trapo
pag kampanyahan, pangako doon, pangako dito
at nagtungo pa sa iskwater upang maiboto
gayong pag naupo na, dukha'y nalimot na nito

akala mo nga, pag magsalita, ang galing-galing
mga trapong kung pumustura'y bayaning magiting
iyon pala, pag naupo, sa dayo gugupiling
sa kapital nangayupapa silang sinungaling

sadyang sinungaling ang mga trapong elitista
pawang utak-negosyo imbes serbisyo sa masa
huwag iboto ang mga trapong kapitalista
silang nais manatili ang bulok na sistema

mga trapong kuhila'y di naman natin kauri
kandidato ng paggawa ang ating ipagwagi

- gregbituinjr.

Sabado, Pebrero 9, 2019

Ipanalo natin sila

IPANALO NATIN SILA

Ipanalo natin lahat ng ating kandidato
PLM party list at Ka Leody sa Senado
Ang Labor Win, mga kandidatong lider-obrero
Na ating kakampi pag naupo na sa gobyerno.

Ating gampanan ng buong tapat ang ating mithi
Lubusang magpalakas, kumilos, at magpunyagi
Organisahin ang uri, palaguin ang binhi
Nang mga kandidato ng masa'y maipagwagi.

Ang mga plataporma't programa'y dapat magawa
Talakayin ang Labor Agenda ng manggagawa
Ito'y ipaglaban pagkat layunin ay dakila
Na adyenda ng ating uri'y dapat maunawa.

Sa Kongreso't Senado'y dapat silang mailagay
Ito'y tungkuling sa puso't diwa'y dapat na taglay
Layuning marangal, may dignidad, hangaring lantay
Ang ating mga kandidato'y ipanalong tunay!

- gregbituinjr.

Huwebes, Pebrero 7, 2019

Labor Win sa Senado 2019

Leody de Guzman, pambato natin sa Senado
Arellano, Matula, Colmenares at MontaƱo
Buong tatag na mga kasamang lider-obrero
Organisador ng uri't sa bayan ay babago.

Rinig natin ang hinaing ng mga manggagawa:
Wakasan ang kontraktwalisasyong kumakawawa!
Iligtas ang bayan sa kapitalismo't kuhila!
Na pagkakaisa ng uri'y mahalagang sadya!

Senador mula sa uri ang babago ng landas
Ang Senado'y hindi na lungga ng batas na butas
Sila ang gagawa ng makamanggagawang batas
Ekonomya't pulitika'y gagawin nilang patas.

Nagmumulat tungo sa ginhawa, hindi sa dusa
Ating kakampi upang bansang ito'y mapaganda
Di na papayag maisahan ng kapitalista
Obrero'y kasama nating babago ng sistema.

- gregbituinjr.