PAGTITIG SA KISAME
at muli, nakatitig ako sa kisame
pinagnilayan ang nadinig na mensahe
bakit kayraming tiwali, trapo't salbahe
bakit ba api ang dukha, bata't babae
sa ganyang sistema, ayokong manahimik
anumang puna't nakita'y isasatitik
marami man silang sa isyu'y walang imik
habang masa'y parang bawang na dinidikdik
ano bang meron sa kisame kundi sapot
marahil ng gagamba o baka may surot
subalit ang lipunan ay tadtad ng sapot
ng mga tuso't tiwali, nakalulungkot
kayraming trapong nang-iisa, nanggigisa
ng mga dukhang sa kanila umaasa
akala sila'y mga diyos at diyosa
na kaligtasan ng bayan ay tangan nila
walang dapat mang-api o mambubusabos
walang isang tagapagligtas, manunubos
masa't uring manggagawa na'y magsikilos
nang sistemang bulok ay tuluyang matapos
- gregoriovbituinjr.
02.24.2024
* litrato ng kisame mula sa naganap na Labor Forum on ChaCha sa UP, Pebrero 22, 2024
Sabado, Pebrero 24, 2024
Labinglimang patay sa nahulog na trak
LABINGLIMANG PATAY SA NAHULOG NA TRAK
"Umakyat na sa 15 ang bilang ng nasawi sa pagkahulog ng truck sa bangin sa Brgy. Bulwang, Mabinay, Negros Oriental nitong Miyerkules ng hapon."
"Patungo sila sa Brgy. Dawis sa Bayawan City mula sa bayan ng La Libertad at tinahak ang daan sa bayan ng Mabinay nang mahulog ang truck sa bangin sa kurbadang bahagi."
"Sa inisyal na imbestigasyon, ayon na rin sa driver, nawalan siya ng kontrol nang mawalan ng preno ang truck kaya nag-overshoot ito."
"Sumirko ang truck matapos mahulog sa 20 metrong lalim na bangin. Dead on the spot ang 15 sakay.
~ ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 22, 2024, p.2
kayraming aksidente
ang madalas mangyari
tulad ng ulat, may trak
na sa bangin bumagsak
kayraming napahamak
at namatay sa sindak
biglaan ang disgrasya
biktima'y labinglima
ang dahilan ba'y ano
nawalan daw ng preno
nang sa pagliko nito
sa bangin dumiretso
sinong dapat managot
sa nangyaring hilakbot
sino bang masisisi
sa ganyang pangyayari
kaytinding aksidente
nakikiramay kami
- gregoriovbituinjr.
02.24.2024
Biyernes, Pebrero 23, 2024
Ang mga aklat ni Balagtas
ANG MGA AKLAT NI BALAGTAS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
May apat akong aklat hinggil sa dalawang akda ni Francisco Balagtas. Tatlong magkakaibang aklat hinggil sa Florante at Laura, at isang aklat hinggil sa Orozman at Zafira.
Ang aklat na "Ang Pinaikling Bersyon: Florante at Laura" ay mula kina Gladys E. Jimena at Leslie S. Navarro. Inilathala iyon noong 2017 ng Blazing Stars Publication, na binubuo ng 144 pahina, 18 ang naka-Roman numeral at 126 ang naka-Hindu Arabic numeral. May sukat ang aklat na 5 and 1/4 inches pahalang at 7 and 3/4 inches pababa.
Ang aklat na "Mga Gabay sa Pag-aaral ng Florante at Laura" naman ay mula kay Mario "Guese" Tungol. May sukat na 5 and 1/4 inches pahalang at 8 and 1/4 inches pababa, inilathala iyon noong 1993 ng Merriam Webster Bookstore, Inc., at naglalaman ng 152 pahina.
Ang dalawang nabanggit na aklat ay pawang nabili ko sa Pandayan Bookshop sa loob ng Puregold Cubao. Ang una ay nagkakahalaga ng P47.00 habang ang ikalawa naman ay P74.00
Ang ikatlo kong aklat hinggil sa "Florante at Laura" ay mula kay national artist for literature Virgilio S. Almario. May sukat na 5 and 3/4 inches pahalang at 8 and 3/4 inches pababa, ikasiyam na limbag na iyon ng ikatlong edisyon at inilathala noong 2023 ng Adarna House, at binubuo ng 154 pahina. Nabili ko iyon sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, sa halagang P199.00.
Ang ikaapat naman ay ang Orozman at Zafira, na ang editor din ay si pambansang alagad ng sining para sa panitikan na si Virgilio S. Almario. May sukat iyong 8 and 1/2 inches pahalang at 11 inches pababa. Inilathala iyon noong taon 2020 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa tulong ng Pambansang Komisyon para sa mga Kultura at mga Sining (NCCA), at may 314 pahina. Nabili ko ang nasabing aklat sa Solidaridad Bookshop noong Hunyo 3, 2021 sa halagang P400.00.
Ang Florante at Laura ay binubuo ng 399 saknong, na ang bawat saknong ay may apat na taludtod, habang ang Kay Celia naman na pinag-alayan ng Florante ay may 22 saknong, at Sa Babasa Nito ay may 6 na saknong, ang kabuuan nito ay 427 saknong. Ibig sabihin, 427 saknong times 4 taludtod bawat saknong equals 1,708 saknong ang bumubuo sa buong Florante at Laura. Habang ang isa pang akda ni Balagtas, ang Orozman at Zafira, ay may kabuuang 9,034 na taludtod.
Samakatuwid, 9,034 divided by 1,708 equals 5.29543, o limang ulit na mas malaki at mas mahaba ang Orozman at Zafira kaysa Florante at Laura. Kaya malaking bagay na napabilang ito sa aking aklatan.
Naaalala ko, nasa ikalawang taon ako sa hayskul nang binasa ko bilang bahagi ng aralin ang Florante at Laura. Marahil ay may batas na nagsasabing dapat pag-aralan ng mag-aaral ang Florante at Laura sa ikalawang taon sa hayskul, habang sa unang taon ay Ibong Adarna, at sa ikatlo ay Noli Me Tangere at sa ikaapat na taon, bago gumradweyt sa hayskul, ay El Filibusterismo.
Subalit nasaliksik ko na may batas na dapat aralin ang Noli at Fili, sa pamamagitan ng Batas Republika 1425 o yaong tinatawag na Rizal Law. Hinanap ko naman kung anong batas na nagsasabing pag-aralan ang Florante at Laura, subalit di ko mahanap.
Ang meron ay Proclamation No. 373, s. 1968 na itinalaga ang Abril 2, 1968 bilang "Francisco Balagtas Day" na nilagdaan ng matandang Marcos, habang nilagdaan naman ni dating pangulong Cory Aquino ang Proclamation No. 274 na nagtatalaga sa taon 1988 bilang Balagtas Bicentennial Year. Sa proklamasyong ito ay nabanggit naman ang Florante at Laura:
Purpose of the Proclamation
Recognizes the need to foster and propagate Balagtas' nationalistic fervor
Balagtas' literary works, such as "Florante at Laura," express nationalistic sentiments
Aims to support and promote activities related to the bicentennial celebration of Balagtas' birth anniversary
Subalit hindi pa rin natin matagpuan ang batas na nagsasabing dapat pag-aralan sa hayskul ang Florante at Laura. Gayunpaman, alam kong mayroon nito, na hindi lang natin sa ngayon matagpuan.
Maganda ring nasaliksik na ang isa pang akda ni Francisco Balagtas - ang Orozman at Zafira. At marahil kung hindi nagkasunog sa bahay nina Balagtas noon, ay maaaring buhay pa at muling inilathala ang iba pa niyang akda. Mabuti't natagpuan ang Orozman at Zafira.
Kumatha ako ng munting tula hinggil sa mga ito.
MAHAHALAGANG AKDA NI BALAGTAS
hayskul ako nang inaral / ang Florante at Laura
may-asawa nang mabili / ang Orozman at Zafira
mga akda ni Balagtas / na napakahahalaga
mga gintong kaisipan / ang sa atin ay pamana
bagamat sa ngayon, ito'y / nabibigyan pa bang pansin?
na inaaral sa hayskul / upang makapasa lang din
subalit kahit paano, / ito'y nababasa pa rin
pagkat sa eskwela'y atas / na akdang ito'y basahin
dahil sa ako'y makata / at mahilig sa pagtulâ
kaya mga akdang ito'y / iniingatan kong sadyâ
para sa mga susunod / na salinlahi't ng bansâ
ay maipagmalaki pa / ang kay Balagtas na kathâ
malalim na pang-unawa, / nag-iba man ang panahon
ay pahalagahan pa rin / ang akda, na isang hamon
sa inyo, sa ating lahat, / at sunod pang henerasyon
mamamatay ako, tayo, / ngunit di ang akdang iyon
02.23.2024
Pag-awit ng Manggagawa
nagsiawit sila habang nasa kalagitnaan
ng Labor Forum on ChaCha, mahabang talakayan
hinggil sa nagbabagang isyu sa ating lipunan
sasayaw ba tayo sa ChaCha at sa papirmahan?
patuloy kong dininig ang awit na Manggagawa
sa kasalukuyang rehimen ba'y anong napala?
bakit ibubuyangyang sa dayo ang ating bansa
na siyang nais ng mga kongresista't kuhila?
tila ba ako'y hinehele sa kanilang awit
tinig nila'y may lungkot subalit nakakaakit
prinsipyo't paninindigan sa awit nila'y bitbit
"Mabuhay ang manggagawa!" ang tangi kong nasambit
- gregoriovbituinjr.
02.23.2024
* binidyo ng makata habang sila'y umaawit sa UP nang ilunsad ang Labor Forum on ChaCha, Pebrero 22, 2024
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/qo4KiowwaT/
Estudyanteng buntis, sinaksak ng nobyo
ESTUDYANTENG BUNTIS, SINAKSAK NG NOBYO
"Dahil sa hindi umano pagpayag na ipalaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan ay walang awang inatado ng saksak ang 18-anyos na senior high school student na tatlong buwang buntis ng kanyang nobyo, naganap sa Barangay Maahas, Los Baños, Laguna." ~ unang talata sa balitang "Estudyante na buntis, sinaksak ng nobyo, headline sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 23, 2024, pahina 1 at 2
saanmang gubat ay may ahas
pati sa Barangay Maahas
kahindik-hindik na balita
na talagang nakabibigla
karahasan ang nanariwa
sa nobyong nababaliw yata
sinaksak ang kanyang katipan
estudyanteng buntis pa naman
nais na bata'y ipalaglag
ngunit dalaga'y di pumayag
nobyo'y di na nagdalang habag
nang marinig ang pinahayag
biglang sinaksak ang dalaga
pag-ibig na naging trahedya
buti't may mga sumaklolo
sa dilag nang siya'y tumakbo
hustisya nawa'y kamtin nito
at madakip na ang demonyo
- gregoriovbituinjr.
02.23.2024
Di tahimik ang aming panulat
DI TAHIMIK ANG AMING PANULAT
minsan, maraming bagay ang di nabibigkas
marahil dahil nagbabanta'y pandarahas
nagiging walang imik, agad umiiwas
nang di mapaso sa nguso't halik ni hudas
kaya marahil dinadaan sa panitik
upang maipakitang tayo'y umiimik
sa maraming isyung sa bayan dumidikdik
ipahayag ding di tayo nananahimik
prinsipyo't tindig ay tinatanganang buô
at di kami mananatiling walang kibô
kahit pasista pa ang sa amin sumundô
pagtortyur man o pagpaslang ang maging lundô
magpapatuloy kami sa panunuligsâ
sa mga tiwali, gahaman, tusong gawâ
narito kaming mag-uulat at tutulâ
bakasakaling hustisya'y kamtin ng dukhâ
- gregoriovbituinjr.
02.23.2024
Huwebes, Pebrero 22, 2024
Di pa napapanahon ang ChaCha
DI PA NAPAPANAHON ANG CHACHA
nagtatago sa ngalang People's Initiative
na pinapipirma kahit ang nasa liblib
ginagamit ang masa sa ambisyong tigib
ang totoo, iyan ay Trapo Initiative
ano bang nais baguhin sa Konstitusyon?
o gaya ng dati, nais ay term extension?
gagalawin daw ang economic provision
upang sa dayuhan buksan ang bansa ngayon
kayrami nang iskwater sa sariling lupa
ay gagawin pang sandaang poryentong sadya
ang pag-aari ng dayo sa ating bansa
sandaang porsyentong iskwater malilikha
subalit bakit nagsimula nito'y trapo
kongresista, meyor, ang nanguna umano
pumirma ka, pagkat may ayuda raw ito
tila baga sila'y bumibili ng boto
aba'y inuuto ang masang maralita
na sa lipunan ay nakararaming sadya
walang papel dito ang dukha't manggagawa
at di rin ito inisyatibo ng madla
kaya dapat lang tutulan ang ChaCha ngayon
di pa marapat baguhin ang Konstitusyon
pagkat ang ChaCha ay di pa napapanahon
mabuti kung ito'y bunga ng rebolusyon
wawakasan ang elitistang paghahari
at ugat ng hirap - pribadong pag-aari
itatayo natin yaong lipunang mithi
na makikinabang ay bayan, uri't lahi
lilikhain dito'y bagong Saligang Batas
na uring manggagawa ang dito'y kukumpas
habang tinatayo'y isang lipunang patas
na palakad sa tao'y sistemang parehas
isang Konstitusyong likha ng sambayanan
di ng mayayaman, elitista't gahaman
ipapamahagi ang yaman ng lipunan
ng pantay, walang mahirap, walang mayaman
- gregoriovbituinjr.
02.22.2024
nagtatago sa ngalang People's Initiative
na pinapipirma kahit ang nasa liblib
ginagamit ang masa sa ambisyong tigib
ang totoo, iyan ay Trapo Initiative
ano bang nais baguhin sa Konstitusyon?
o gaya ng dati, nais ay term extension?
gagalawin daw ang economic provision
upang sa dayuhan buksan ang bansa ngayon
kayrami nang iskwater sa sariling lupa
ay gagawin pang sandaang poryentong sadya
ang pag-aari ng dayo sa ating bansa
sandaang porsyentong iskwater malilikha
subalit bakit nagsimula nito'y trapo
kongresista, meyor, ang nanguna umano
pumirma ka, pagkat may ayuda raw ito
tila baga sila'y bumibili ng boto
aba'y inuuto ang masang maralita
na sa lipunan ay nakararaming sadya
walang papel dito ang dukha't manggagawa
at di rin ito inisyatibo ng madla
kaya dapat lang tutulan ang ChaCha ngayon
di pa marapat baguhin ang Konstitusyon
pagkat ang ChaCha ay di pa napapanahon
mabuti kung ito'y bunga ng rebolusyon
wawakasan ang elitistang paghahari
at ugat ng hirap - pribadong pag-aari
itatayo natin yaong lipunang mithi
na makikinabang ay bayan, uri't lahi
lilikhain dito'y bagong Saligang Batas
na uring manggagawa ang dito'y kukumpas
habang tinatayo'y isang lipunang patas
na palakad sa tao'y sistemang parehas
isang Konstitusyong likha ng sambayanan
di ng mayayaman, elitista't gahaman
ipapamahagi ang yaman ng lipunan
ng pantay, walang mahirap, walang mayaman
- gregoriovbituinjr.
02.22.2024
* Kinatha at binigkas ng makata bilang reaktor sa FDC Forum on ChaCha sa umaga, at sa Labor Forum on ChaCha sa hapon ng Pebrero 22, 2024.
Miyerkules, Pebrero 21, 2024
Boksingerong anak ni Pacquiao ang isabak sa Paris Oympics
BOKSINGERONG ANAK NI PACQUIAO ANG ISABAK SA PARIS OLYMPICS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Overage na si Manny Pacquiao kaya hindi inaprubahan ng International Olympic Committee (IOC) ang kahilingan ng Philippine Olympic Committee (POC) na makuha ang awtomatikong tiket ni Pacquaio upang makalahok sa 2024 Paris Olympic Games sa Paris, sa bansang Pransya. Nasa edad 45 na si Pacquiao habang hanggang 40 anyos ang age limit ng lahat ng boksingerong lalahok sa Olympic Games.
Ikalawa, kailangan din ni Pacquiao na sumalang sa qualifying tournament upang makapasok sa Olympics. Ito'y ayon sa mga balita sa iba't ibang dyaryo at social media.
Matapos makuha ni Hidilyn Diaz ang unang gold medal ng Pilipinas sa 2020 Olympic Games, marahil ay saka naisip ni Pacquiao na sumali at katawanin ang Pilipinas sa Olympics. Dahil kung pangarap talaga niya ito, aba'y noong bago pa niya kalabanin si Ledwaba, o noong talunin niya si Barrera ay dapat naisip at pumasok na siya sa boxing team ng Pilipinas sa Olympics. Subalit hindi.
Na-inspire lang marahil talaga siya dahil nakakuha ng dalawang Olympic medals si Diaz, silver medal noong 2016 Rio Olympic at gold medal sa 2020 Tokyo Olympics. Subalit hindi naman masamang magmungkahi kung nais ni Pacquiao na matupad ang kanyang pangarap na makakuha ng medalya sa Olympics.
Ihabol niya ang boksingero niyang anak na si Jimwel na nagboboksing na rin upang sumabak sa Olympic Games. Iyan ang pinakamagandang mungkahi na maaari niyang gawin.
Kumbinsihin ni Pacquiao ang boksingero ring anak niyang si Jimuel na lumaban sa Paris Olympics. Ang kanyang anak ang siyang tutupad sa pangarap ng ama na manalo ng medalya sa Olympics. Ano pa ang hinihintay natin?
Kumatha ako ng munting tula hinggil dito:
JIMUEL PACQUIAO ANG ILABAN SA OLYMPIC GAMES
sa Olympic Games ay di na kwalipikado
si Manny Pacquiao, ngunit may alternatibo
ang kanyang anak na isa ring boksingero
ay kumbinsihing "Mag-Olympics ka na, iho"
may ulat pang kampyong si Canelo Alvarez
ang kanyang tagapagsanay kaya mabilis
umunlad sa boksing, tila walang kaparis
sa amatyur man ay nagpakita ng bangis
kaya Manny, si Jimuel, panganay mong anak
sa Paris Olympics Games ay iyong isabak
bagong landas iyon na kanyang matatahak
at sa gabay mo'y di siya mapapahamak
nandyan si Jimuel, bansa'y di na maghahanap
siya ang katuparan ng iyong pangarap
basta sa pagsasanay, siya'y magsisikap
balang araw, gold medal ay kakamting ganap
02.21.2024
Pinaghalawan ng datos:
Balita sa pahayagang Pang-Masa (PM), Pebrero 19, 2024
Si dating Sen. De Lima sa World Day of Social Justice
SI DATING SEN. LEILA DE LIMA SA WORLD DAY OF SOCIAL JUSTICE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Isa ako sa mga dumalo sa The Adrian E. Cristobal Lecture Series 2024 sa Gimenez Gallery, UP Diliman, Pebrero 20, 2024, araw ng Martes, sa ganap na ikatlo hanggang ikalima ng hapon. Ang panauhing tagapagsalita ay si dating Senadora Leila Mahistrado De Lima.
Dumalo ako dahil palagay ko'y itinaon ang nasabing pagtitipon sa Pebrero 20 dahil iyon mismo ay UN-declared World Day of Social Justice. Nang una kong mabatid ang nabanggit na araw ay talagang itinaguyod ko na ito.
Nakasalubong ko ang araw na ito habang nagsasaliksik ng araw na inideklara ng United Nations para sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan naglabas noon ng pahayag ang KPML hinggil sa World Day of Social Justice.
Kaya dinaluhan ko ang panayam kay De Lima. Naisip kong sadyang itinapat ang panayam sa Pebrero 20, dahil nga World Day of Social Justice. Ikalawa pa lang ng hapon ay naroon na ako sa Gimenez Gallery. Ikatlo ng hapon ay nagsimula na ang palatuntunan sa pamamagitan ng Lupang Hinirang. Sunod ay Opening Remarks ni Gng. Susan S. Lara, Ikalawang Pangulo ng UMPIL o Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas. Sinundan ito ng Welcome Remarks ni Propesor Jimmuel C. Naval, Dean ng College of Arts and Letters ng UP Diliman, at isa sa aking guro sa Palihang Rogelio Sicat Batch 15.
Ang nagsalita naman hinggil sa kasaysayan at layunin ng The Adrian Cristobal Lecture Series, na nagsimula pa noong 2010, ay si Ms. Celina S. Cristobal, kinatawan ng Cristobal Family Foundation, at dating board member ng UMPIL.
Sunod ay ipinakilala at tinawag ni Ms. Jazmin B. Llana ang panauhing tagapagsalita na si dating Senadora Leila De Lima. Ang pamagat ng lektura ni De Lima ay "Gender and Political Oppression", kung saan nagtala ako ng ilan sa kanyang mga ipinahayag sa aking munting kwaderno.
Sa open forum ay una akong nagtaas ng kamay at tinawag agad ako ng moderator na si Clarissa Militante. Sabi ko, "Kanina ay nabanggit po ni Mam Celina Cristobal na kaya Pebrero 20 itinaon ang lektura ay dahil ang petsang ito ang kaarawan ng namayapang awtor na si Adrian E. Cristobal. Akala ko po ay dahil itinaon ang lektura ninyo dahil ngayon ay UN-declared World Day of Social Justice". Sabi naman ni De Lima, "Isa rin sa aking advocacy ang social justice. Salamat sa paalala."
Bagamat walang isa sa nagsabi na ang araw na iyon ay World Day of Social Justice ay nabanggit natin na mayroong ganitong araw.
Nang una kong mabatid ang World Day of Social Justice ay kinulit ko na ang ilang mga kasama sa IDefend, isang human rights platform na maraming kasaping organisasyon. Dahil sa aking pangungulit noong 2019 ay naglunsad ang IDefend ng aktibidad hinggil sa usaping ito. Kaya isang malaking karangalan na napansin ang araw na ito.
Subalit hindi ito kasintindi ng pagkilala sa International Human Rights Day tuwing Disyembre 10. Bagamat magkaugnay ang Human Rights at Social Justice, na ang katibayan ay matatagpuan natin sa ating Konstitusyon ng 1987 kung saan ang pamagat ng Artikulo 13 ay "Social Justice and Human Rights."
Sana'y maging ganap at popular ang pagkilala ng mamamayan sa World Day of Social Justice, tulad ng kung paano kinikilala ng mga human rights organizations, civil society, people's organizations, government agencies, at iba pang grupo, ang International Human Rights Day. Hinggil sa paksang ito, mangyaring tingnan at basahin ang kasaysayan ng araw na ito sa kawing na https://www.un.org/en/observances/social-justice-day kung saan pinangunahan ang pagpapatibay nito ng samahang paggawa na International Labour Organization (ILO).
Isa nga sa ginawa kong disenyo ng plakard sa araw na iyon ay may litrato ng kandila sa gitna, at sa itaas ay nakasulat: "February 20 is World Day of Social Justice" at sa ibaba nito ay "Katarungan sa lahat ng biktima ng EJK!" Pinadala ko ito sa messenger ng isang ina ng EJK victim, at ang kanyang sabi, "Salamat sa pakikiramay."
Tinapos naman ni G. Michael M. Coroza, pangulo ng UMPIL, ang palatuntunan sa pamamagitan ng pagbigkas ng tulang pinamagatang "Mapagpalang Daigdig". Matapos iyon ay nagkodakan na, sa gitna ang panauhing tagapagsalita, kasama si National Artist Virgilio Almario.
Matapos ang panayam ay saglit din kaming nagkausap nina Dean Jimmwel Naval at Propesor Joey Baquiran. May pameryenda rin. at bago umalis ay bumili ako ng librong "The Adrian E. Cristobal Lecture Series 2010-2017". Lampas na ng ikalima ng hapon nang ako'y umalis.
Ginawan ko ng tula ang karanasang ito.
LEILA DE LIMA AT ANG USAPING SOCIAL JUSTICE
halina't itaguyod ang World Day of Social Justice
bukod sa karapatan, tao'y di dapat just-tiis
pag-abuso sa karapatan ay dapat mapalis
hustisyang asam ng masa nawa'y kamting mabilis
Social Justice ay itaguyod saanmang arena
kaya sa A. Cristobal Lecture Series ay nagpunta
nag-aakalang mabanggit ni dating senadora
De Lima ang araw na itong napakahalaga
sa paksa niyang "Gender and Political Oppression"
ay isiniwalat ang danas sa pagkakakulong
anong nasa puso't diwa higit anim na taon
ng pagkapiit, anong mga dumating na tulong
nagpapasalamat ako't doon ay nakadalo
at ang araw na nabanggit ay naisiwalat ko
na sana'y tumimo talaga sa isip ng tao
na araw na ito'y dapat ding kilanling totoo
02.21.2024
Martes, Pebrero 20, 2024
Alikabok
ALIKABOK
kailangang kilusang masa'y palakasin
nang nawalang tinig ng api ay bawiin
ang alikabok man kung aalalahanin
sa mata ng naghahari'y makapupuwing
kaya magpatuloy tayong mag-organisa
upang mamulat sa mga isyu ang masa
upang sila'y magalit sa trapo't burgesya
upang mapalitan ang bulok na sistema
ang mahihirap ay tinuring na basahan
parang alikabok na aapak-apakan
dapat bawiin ang puri o karangalan
na sa kanila'y inagaw nitong gahaman
bakit ba dukha'y tinuring na alikabok?
sabi sa awit na dapat nating matarok
tayo'y kumilos, baligtarin ang tatsulok
at silang dukha ang ilagay mo sa tuktok
- gregoriovbituinjr.
02.20.2024
Nilay
NILAY
naritong nakatitig sa ulap
pagkat buhay ay aandap-andap
nais sumakay sa alapaap
nang tunguhin ang pinapangarap
nakatunganga muli sa notbuk
upang kathain ang ilalahok
sa patimpalak, isang pagsubok
kung makakarating ba sa tuktok
nakasulyap pa rin sa kawalan
walang malirip sa katagalan
ginawa'y nagpahinga na lamang
at nakatulog sa kalaunan
ganito minsan pag nagmumuni
minsan, nakatingin sa kisame
pinagninilayan ang diskarte
upang kwento't tula'y mapabuti
- gregoriovbituinjr.
02.20.2024
Lunes, Pebrero 19, 2024
P60 na ang kilo ng bigas
P60 NA ANG KILO NG BIGAS
kilo ng bigas ay sisenta na
ay, ganyan na kamahal ang benta
bente pesos ay one third kilo na
ang pangako'y napako talaga
anong nangyari, bakit ganito
sa ilalim ng kapitalismo
tingin ng magsasaka ba'y ano?
anong pananaw ng masa rito?
nagpunta nga ako sa bigasan
sa kalapit naming pamilihan
doon ay nagpalitrato naman
nang presyo nito'y may katibayan
kaymahal na ng bigas sa atin
pambili rito'y saan kukunin
salapi sa bulsa'y titipirin
kaya tipid na rin sa pagkain
- gregoriovbituinjr.
02.19.2024
Ako'y aktibista, may dugong bayani
AKO'Y AKTIBISTA, MAY DUGONG BAYANI
ako'y aktibista, / may dugong bayani
lahing Bonifacio, / Rizal, at Mabini
diwang Che at Lenin / idolong matindi
na sadyang sa uri't / bayan nagsisilbi
di lang lumalaban / sa tusong dayuhan
kundi mapang-api, / burgesyang gahaman,
sa kapitalistang / kunwa'y makabayan,
at sa naghaharing / buwayang iilan
nais ko'y lipunang / sadyang makatao
nais na hustisya'y / makamtang totoo
nais na pawiin / pag-aring pribado
ibahaging pantay / ang yaman ng mundo
ako'y aktibista, / hindi makabayan
na internasyunal / ang paninindigan
pag may api kahit / hindi kababayan
ay kauri silang / dapat ipaglaban
naririto pa rin, / wala mang salapi
sa rali't pagkilos / ay mananatili
sadyang naglilingkod / sa masa't kauri
aming ibabagsak, / uring naghahari
ako'y aktibista, / puso'y pandaigdig
uring manggagawa / ang kakapitbisig
sa internasyunal, / api'y kapanalig
sa mapambusabos / ay di palulupig
- gregoriovbituinjr.
02.19.2024
Tahong at tutong
TAHONG AT TUTONG
tarang kumain, ulam ko'y tahong
kanin man ay bahaw, pulos tutong
pag-uwi'y ito ang sumalubong
katalo na rin laban sa gutom
paunti-unti nating tanggalin
ang talukab at laman ay kunin
isama sa tutong at sakulin
ang sabaw pa'y kaysarap higupin
sa saliw ng "tahong and winding road"
buti'y may tahong kaysa tumanghod
kung sa balot lalakas ang tuhod
sa tahong titibay ang gulugod
tarang kumain, aking katoto
at tahong ay namnaming totoo
kaysarap ng ating salusalo
magsakol man o magkamay tayo
- gregoriovbituinjr.
02.19.2024
Madalas madulas
MADALAS MADULAS
madalas pa ring nagninilay
madulas pa ring nagsisikhay
bagamat madalas malumbay
sa masa'y madulas ang ugnay
madalas din akong madulas
sa banyo matapos maghugas
o maligo hanggang lumabas
mag-ingat na'y aking nawatas
madalas akong kumakatha
madulas ang pananalita
at madalas ding tumutula
kahit di madulas ang paksa
madalas sa rali't pagkilos
buti't madulas, parang palos
nilabana'y pambubusabos
kasangga ang mga hikahos
- gregoriovbituinjr.
02.19.2024
Linggo, Pebrero 18, 2024
Pinagputol na puno
PINAGPUTOL NA PUNO
nadaanan ko'y punong pinutol
sa kalsada, sino ang humatol
upang puno'y tuluyang malipol
ang sambayanan ba'y di tumutol
mga nalikha'y mumunting troso
ng sinumang hinusgahan ito
ang mga puno raw ay perwisyo
kaya raw dapat putling totoo
ah, kailan pa naging balakid
ang mga puno nating kapatid
na tila sa dilim ibinulid
ng palalong perwisyo ang hatid
di sagabal sa kapaligiran
yaong tumubo sa kalikasan
na nauna pa sa sambayanan
puno'y dapat lamang protektahan
- gregoriovbituinjr.
02.18.2024
Sabado, Pebrero 17, 2024
Paano
PAANO
paano itatanim ang binhi
upang maabot ang minimithi
paano mawala ang pighati
na dahilan ng pagkakahati
paano ilalagay sa kamay
hindi ang batas, kundi ang pakay
paano mapatatag ang hanay
at kamtin ang asam na tagumpay
paano isusulat ang paksâ
hinggil sa manggagawa't dalitâ
paano natin dapat ikathâ
ang mga sanaysay, kwento't tulâ
paano ba ang estratehiya
sa buo, paano ang taktika
sitwasyon ba'y nasuri't nabasa
nang magwagi sa pakikibaka
- gregoriovbituinjr.
02.17.2024
Biyernes, Pebrero 16, 2024
Upang
UPANG
ano bang aking gagawin o iisipin
upang mapagtanto ang misyon ko't layunin
upang ang bawat pakikibaka'y asamin
upang mga isyu ng bayan ay dibdibin
upang mga buktot at tiwali'y lipulin
upang planong nobela'y talagang makatha
upang akdain ang naisip na pabula
upang malinang ang kaalaman sa tula
upang maisatitik ang balak na dula
upang sumulat ng dagli't kwentong pambata
upang makapagpatuloy sa nilalandas
upang mapigilan ang mga talipandas
upang makaiwas sa mga tuso't hudas
upang batas ay mapatupad ng parehas
upang makapagtatag ng lipunang patas
- gregoriovbituinjr.
02.16.2024
Nagigising ng madaling araw
NAGIGISING NG MADALING ARAW
nagigising ng madaling araw
ako nga'y naaalimpungatan
pagkat may paksang biglang lilitaw
na punong-puno ng katanungan
maralita ba'y kaawa-awa
pinagsasamantalahan lagi
ito'y lipunan ng manggagawa
subalit kaapiha'y masidhi
binubuhay nila ang lipunan
binubundat ang kapitalista
ang ganito ba'y makatarungan?
ah, bakit ba bulok ang sistema?
kayraming paksa pag nahihimbing
sa akin animo'y nanggigising
- gregoriovbituinjr.
02.16.2024
Miyerkules, Pebrero 14, 2024
Happy civil wedding anniv, mahal ko
HAPPY CIVIL WEDDING ANNIV, MAHAL KO
oo, kinasal kami ng Araw ng mga Puso
kasabay ng limampu't walo pang magkasintahan
binasbasan ng alkalde, Araw ng mga Nguso
pagkat naghalikan sa nasabing kasalang bayan
happy wedding anniversary, mahal kong diwata
patuloy ang pagsinta ng irog mong mandirigma
patuloy man akong lingkod ng uring manggagawa
at sekretaryo heneral ng samahang dalita
di ako magpapabaya sa tahanan, O, irog
guminhawa man ang buhay o umaalog-alog
magsisikap tayo upang marating ang tugatog
ng tagumpay kahit ang araw natin ay lumubog
muli, Happy Civil Wedding Anniversary, mahal
bagamat pangunahing bilihin ay nagmamahal
- gregoriovbituinjr.
02.14.2024
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)


























