Miyerkules, Enero 30, 2019

Alay sa unang dekada ng Partido Lakas ng Masa

ALAY SA UNANG DEKADA NG PARTIDO LAKAS NG MASA

Sa unang dekada ng Partido Lakas ng Masa,
taas-kamaong pagpupugay sa mga kasama!
Matatag na naninindigang sosyalista
sa sampung taon ng patuloy na pakikibaka.

Tuloy ang pagkilos tungo sa lipunang pangako
upang lipunang sosyalismo'y itatag sa mundo
nang laksang paghihirap nagdulot ng siphayo
sa ating mga pagkilos ay tuluyang maglaho

Kapitbisig tayong ipagtagumpay ang layunin
sama-samang ipagwagi ang ating adhikain:
Lipunang pantay, pribadong pag-aari'y tanggalin
upang lahat ay makinabang sa daigdig natin

Halina't ating itayo'y lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao.
Ngayong anibersaryo'y muling sariwain ito
Partido Lakas ng Masa, pagpupugay sa inyo!

- gregbituinjr./30 Enero 2019

Martes, Enero 29, 2019

Ang buhay ba'y tulad ng mobius strip?


ANG BUHAY BA'Y TULAD NG MOBIUS STRIP?

ang buhay ba'y tulad ng mobius strip?
hinehele't tila nananaginip
na lagi nang buhay ay sinasagip
habang patuloy na may nililirip
hinggil sa kung anumang halukipkip

tila dinugtong na magkabaligtad
ang mga dulo ng gomang malapad
madaraanan lahat pag naglakad
pabalik-balik ka kahit umigtad
ganito ba ang anyo ng pag-unlad?

paikot-ikot ka lang sa simula
hanggang maramdaman mong matulala
mabuting patuloy na gumagawa
kaysa naman magpahila-hilata
bakasakaling tayo'y may mapala

ang mobius strip ay pakasuriin
sa matematika'y alalahanin
baka may problemang mahagip na rin
masagip ang pinoproblema natin
upang sa baha'y di tayo lunurin

- gregbituinjr.

Lunes, Enero 28, 2019

Napulot man ako sa tae ng kalabaw

NAPULOT MAN AKO SA TAE NG KALABAW

napulot man ako sa tae ng kalabaw
ako'y isang tao rin sa mundong ibabaw
na maagang gumising sa madaling araw
upang agad magtrabaho kahit maginaw

mapalad naman ako't may mga umampon
at itinuring akong anak nilang bugtong
mag-asawang walang anak, sa utang baon
ngunit kaysisipag, sa bukid lumulusong

silang nagisnan ko nga'y mapagkawanggawa
mula pagkabata ko'y mga nag-alaga
binihisan, pinag-aral, lahat ginawa
upang ako nama'y makadamang ginhawa

kaya ako'y labis na nagpapasalamat
sa kanilang naglunas sa pusong may sugat
may ligaya sa diwa kong maraming pilat
pagkat sila'y dakila't tunay na alamat

- gregbituinjr.

Linggo, Enero 27, 2019

Batang bilanggo, edad siyam?

BATANG BILANGGO, EDAD SIYAM?

tama bang sa edad siyam, ang bata na'y mapiit?
hustisya na ba sa bansa'y ganito na kalupit?
sa murang gulang, karapatan niya'y pinagkait
kinulong dahil sindikato sa kanya'y gumamit

batang edad siyam ay dapat na raw maikulong
panukalang ito sa Kongreso'y isinusulong
pag bata'y gumawa ng krimen at agad sinuplong
kulong agad habang laya ang nag-atas na buhong!

ano nang nangyari sa ating mga mambabatas?
krimen ba'y di na kaya ng kapulisang malutas?
di na mapigil ng maykapangyarihan ang dahas?
mga sakit ba ng lipunan ay wala nang lunas?

mga magulang ba ng batang bilanggo'y pabaya?
bakit magulang ay kayod ng kayod ngunit dukha?
mga bata ba'y inabandona na't isinumpa?
o problema'y ang sistemang nagdulot ng dalita?

bakit nais makulong ang bata, ano ang sanhi?
halina't pag-isipan, patuloy tayong magsuri
dulot kaya ito ng pagkakaiba sa uri?
o baka mambabatas ay hungkag ang mga budhi?

- gregbituinjr.

Biyernes, Enero 25, 2019

Ang unang tungkulin

ANG UNANG TUNGKULIN

“The first duty of a revolutionary is to be educated.” ~ Che Guevara

noong ako'y bagong tibak, laging ipinapayo
pag-aralan ang lipunan, kalagayan ng mundo
makipamuhay sa masa, alamin ang siphayo
ng mga dukhang kayraming pangarap na gumuho

bakit kapitalismo ang sistemang umiiral
bakit lipunan ay pinatatakbo ng kapital
bakit obrerong kayod kalabaw ang nagpapagal
bakit ang karapatan sa edukasyon ay mahal

ang mga aktibista'y nakikibakang totoo
upang malubos-lubos ang karapatang pantao
hanggang sa mag-pultaym na't maging rebolusyonaryo
na unang tungkulin sa pakikibaka'y matuto

aralin ang lipunan, makipagbalitaktakan
aralin bakit may mahirap, bakit may mayaman
suriin bakit pribadong pag-aari'y dahilan
ng paghihirap ng mayorya sa sandaigdigan

sa gayon, magkaisa sa paghahanap ng solusyon
pagwasak sa pribadong pag-aari'y ating layon
bakit obrero'y dapat mamuno sa rebolusyon
bakit sa pagbabagong hangad tayo nakatuon

- gregbituinjr.

Biyernes, Enero 18, 2019

Di na kumapit sa baywang ni misis sa dyip

di na ako kumapit sa baywang ni misis sa dyip
baka mapagkamalang pitaka ang hinahagip
lalo na't katabing pasahero'y nananaginip
kaysarap ng hilik habang bag niya'y halukipkip

isang dahilan yaon bakit ayokong kumapit
sa baywang ni misis lalo't suot niya'y di hapit
gayon kasi'y modus operandi ng mangungupit
laking lungsod akong saksi sa gawaing kaylupit

kaya mabuting mag-ingat ka sa dyip na masikip
dapat maging listo kang lagi't mababaw ang idlip
kung kakapit kay misis sa dyip, gamitin ang isip
huwag sa baywang, baka pagkamalan ka't madakip

ang kumapit sa baywang ni misis ay kanyang giit
subalit dahil sa sitwasyon, di ako napilit
kung dahil sa pagkapit sa baywang niya'y mapiit
maiging sa bisig na lang ni misis mangunyapit

- gregbituinjr.

Huwebes, Enero 17, 2019

Daigdig ba'y basurahan?

Kung saan-saan siniksik
ang mga basurang plastik
na sa lupa't dagat hasik!
Di pa ba tayo iimik?

Daigdig ba'y basurahan?
Pilipinas ba'y tapunan?
Dapat tayong magtulungan
nang ito'y masolusyunan!

Tayo lang ba'y tatahimik
at magpapatumpik-tumpik?
Baka plastik na'y magputik
na sa bansa'y magpatirik!

- gregbituinjr.

Miyerkules, Enero 16, 2019

Inaaliw tayo ng kanyang pagmumura

inaaliw tayo ng kanyang pagmumura
habang may ginagawa pala silang iba
pananakot at pagpaslang ang nakikita
habang Konstitusyo'y binabago na pala

batbat ng balita sa mga radyo't dyaryo
pawang paglabag sa karapatang pantao
madalas mapansin ang kawalang proseso
habang di napapansin ang pederalismo

inaaliw tayo ng kwentong sari-sari
nitong pangulong manyakis at astang hari
noon daw ay kinalikot siya ng pari
pati atsay nila'y kanya raw dinaliri

habang tayo'y naaaliw o naaasar
di napapansin ang kanyang mga paandar
balakin sa ChaCha'y pilit inilulugar
pederalismo'y unti-unting pinupundar

aba'y magmasid tayo't huwag lang magtiis
ang mga joke joke niya'y pakunwaring mintis
baka bulagain tayo ng bagong hugis
na bansa'y pederalismo na itong bihis

- gregbituinjr.

Huwebes, Enero 10, 2019

Huwag kang mandaraya

HUWAG KANG MANDARAYA

“I would prefer even to fail with honor than win by cheating.” ~ Sophocles

parating muli ang pagsusulit sa paaralan
parating muli ang halalan at magbobotohan
upang makapasa'y mandadaya't magkokopyahan
upang manalo ang manok, mandaraya na naman

gagawa ng paraan upang sila'y makapasa
imbes na magsunog ng kilay o magrebyu sila
katabi'y kakalabitin upang makapangopya
o nakasulat na sa munting papel ang pormula

maliit lang ang sweldo'y nag-aagawan sa pwesto
kongresista, senador, pangulo'y magkanong sweldo
anong prinsipyo ito't sa pwesto'y nagkakagulo?
kapag ba nakapwesto, may proteksyon ang negosyo?

mabuti nang mabigong ang pagkatao'y may dangal
kaysa mandaya't manalong dangal mo'y nasa kanal
mabuting magsikap, magtagumpay sa pagpapagal
kaysa manalong sarili'y tinulad sa pusakal

- gregbituinjr.

Martes, Enero 8, 2019

Di tulad ng dagsin ang himagsikan

DI TULAD NG DAGSIN ANG HIMAGSIKAN

“The revolution is not an apple that falls when it is ripe. You have to make it fall.” ~ Che Guevara

* DAGSIN - salin sa wikang Filipino ng GRAVITY

may bumagsak na isang mansanas sa ulo noon
ng siyentipikong nagngangalang Isaac Newton
marahil nahinog ang mansanas sa punong yaon
nang bumagsak ay napagtanto niyang dagsin iyon

malakas ang enerhiyang humihila pababa
ang mula sa itaas ay babagsak din sa lupa
anumang itapon pataas, malalaglag sadya
sa Ingles: GRAVITY; at DAGSIN sa sariling wika

ngunit rebolusyonaryong si Che ay may banggit din
anumang himagsika'y pagsikapan nating gawin
di iyon tulad ng mansanas na babagsak man din
yao'y dapat pahinugin, pitasin, pabagsakin

ang tuklas ni Newton, ang ideya ni Che Guevara
sa ati't mga susunod pa'y kanilang pamana
halina't pagnilayang mabuti ang sabi nila
kung ating matatanto'y maganda ang ibubunga

- gregbituinjr.

Lunes, Enero 7, 2019

Mabuti nang mamatay na naninindigan

“Better to die standing than to live on your knees.” ~ Che Guevara

mga kasama, patuloy tayong tumindig
sa ating simulain ay magkapitbisig
mga trapong kawatan ay dapat mausig
at kaaway ng sambayanan ay malupig

mabuti nang mamatay na naninindigan
kaysa mamatay nang dahil sa karuwagan
mabuti nang mamatay tayong lumalaban
kaysa lumuhod sa naghahari-harian

ating tinahak na puno ng sakripisyo
iyang bilin ng mga rebolusyonaryo
halina't itayo kasama ng obrero
ang pangarap nating lipunang makatao

- gregbituinjr.

Miyerkules, Enero 2, 2019

Pahayag ng PhilCuba sa ika-60 anibersaryo ng Rebolusyong Cubano


Mensahe ng Philippines-Cuba Cultural & Friendship Association (PHILCUBA)
Hinggil sa ika-60 Anibersaryo ng Tagumpay ng Rebolusyong Cubano
(Isinalin mula sa Ingles ni Greg Bituin Jr.)


Pagpapatuloy ng Pamana, Pagpeperpekto ng Sistema at Pangunguna sa Gawaing Internasyunalista-Humanista


Sa kabila ng digmaang pang-ekonomiya, pag-uusig sa pananalapi, matinding pagharang, pagturing ng National Security Adviser na si John Bolton sa Cuba bilang isa sa Tatsulok ng Paniniil, at iba pang mga aksyon at pahayag na nakaturo sa US sa pagtungo sa pakikipagtuos sa Cuba, ang lahat ng karapatan ay nasa mga Cubano upang ipagdiwang ang ika-60 anibersaryo ng kanilang tagumpay laban sa rehimen ng awtoritaryan at mandarambong na si Fulgencio Batista na suportado ng Estados Unidos.

Kaming mga kasapi ng Philippines-Cuba Cultural and Friendship Association (Phil-Cuba) ay mahigpit na nakikiisa sa mga Cubano sa kanilang pagdiriwang. Pinagpupugayan namin ang mga bayani hindi lamang sa mga taon ng armadong pakikibaka laban sa rehimeng Batista kundi pati na rin sa pagtatanggol laban sa pagsalakay at pagsabotahe ng US, ng mga kampanya upang itatag ang ekonomiyang Cubano at bumuo ng sistema ng edukasyon at kalusugan nito, sa pagsisikap na mapagtagumpayan ang espesyal na panahon at epekto ng pagharang sa pang-ekonomiya, pampinansya at pangkomersyo ng bansa.

Ang mga sumunod na taon matapos makatakas ni Batista sa Cuba sa gabi ng Disyembre 31, 1958 ay, sa katunayan, animnapung taon ng "sagupaan, pagtutol, at pagkamalikhain tungo sa  rurok ng tagumpay" na siyang inilarawan ni Pangulong Miguel Díaz-Canel Bermúdez sa kanyang talumpati kamakailan. Hindi hinahayaan kahit isang saglit ng mga kaaway ng Bagong Cuba nang walang bagong pakana upang wasakin ang Cuba, upang pahinain ang rebolusyonaryong pagpapasiya ng mamamayan nang sa gayon ay itakwil nila ang sosyalismo.

Kami’y nagagalak na isa sa mga pinakamahalagang pangyayari sa ika-60 taon ng Rebolusyon ang pagdaraos ng isang reperendum upang maipasa ang bagong Saligang Batas ng Cuba. Umaasa kaming tinatanganan ng Cuba ang pagbabago ng Saligang Batas upang gawin ang Batayang Batas ng Cuba na nakaakma sa nagbabagong kalagayan habang nananatiling tapat sa mga pamanang iniwan ng kanilang mga mapagpalayang bayani at sa Marxismo-Leninismo habang pineperpekto ang sosyalistang proseso. Pinahahalagahan naming binigyang pansin ng proseso sa paglulunsad ng mga talakayan sa mamamayang Cubano bago ito pagtibayin ng Parlamentong Cubano. Pinasisinungalingan nito ang mga paratang na hindi demokratiko ang sistemang Cubano.

Ipagdiwang din namin ang iba pang mga napagtagumpayan ng Cuba. Nabatid na ng mundo ang mga nagawa nila sa kalusugan, bayoteknolohiya at edukasyon. Sa kabila ng mga natural na kalamidad at ang pagharang pang-ekonomya, inirehistro ng Cuba ang paglago ng ekonomya nito. Kapansin-pansin ang pagpapabuti ng Cuba sa agrikultura, sa imprastraktura, pabahay, pagbabayad ng pensiyon at iba pang mga benepisyong materyal. Patuloy na sumisikat ang Cuba sa sports at sa sining.

Hindi maaaring burahin ng isang Bolsonaro ang natatanging rekord ng Cuba sa internasyunalista-humanistang gawain. Nagbigay ang Cuba ng higit pang mga medikal na tauhan sa papapaunlad pang mundo kaysa sa lahat ng pinagsamang bansa ng G8. Sila’y nasa maraming bansa ng Latin America, Aprika, kahit sa Asya at Pasipiko. Sinanay ng Cuba ang mga mag-aaral mula sa iba't ibang bansa upang maging mga doktor. At hindi ito magagawa ng Cuba kung hindi dahil sa pinagtagumpayan nilang rebolusyon noong 1959.

Siyang tunay, ang tagumpay ng rebolusyong Cubano ay tagumpay ng sangkatauhan!

Mas galit na sa Cuba ang mga imperyalista at ang kanilang mga ahente dahil sa walang pagod na diwa ng sambayanan. Patuloy ang pakikibaka at magtatagumpay muli ang sambayanang Cubano!

Hayaang magdiwang ang mamamayan ng daigdig!

Halina’t patuloy nating suportahan ang Cuba laban sa imperyalistang paniniil!

Mabuhay ang Rebolusyong Cubano!


Ang orihinal na pahayag sa wikang Ingles:
Mula sa https://www.facebook.com/PhilCubaSol/posts/919804164882200?__tn__=K-R

Message of the Philippines-Cuba Cultural & Friendship Association (PHILCUBA)
On the 60th Anniversary of the Triumph of the Cuban Revolution

Continuing the Legacy, Perfecting the System and Leading in Internationalist-Humanist Work

Despite an economic war, financial persecution, a tightened blockade, branding Cuba by National Security Adviser John Bolton as one in a Troika of Tyranny, and other actions and pronouncements all pointing to the US’s moving towards a course of confrontation with Cuba, the Cuban people have all the right to celebrate with pride the 60th anniversary of their triumph over the US-backed regime of authoritarian and plunderer, Fulgencio Batista. 

We, the members of the Philippines-Cuba Cultural and Friendship Association (Phil-Cuba) join the Cuban people in their celebration. We salute the heroes not only of the years of armed resistance against the Batista regime but also of the defense against US invasion and sabotage, of the campaigns to build the Cuban economy and develop its educational and health system, of the effort to overcome the special period and effects of the economic, financial and commercial blockade. 

The years that followed Batista’s escape from Cuba in the evening of December 31, 1958 were, indeed, sixty years “of combat, resistance and creativity of the final triumph” as President Miguel Díaz-Canel Bermúdez described in his recent speech. The enemies of New Cuba never allow a single moment to pass without hatching a new plot to destroy Cuba, to weaken the people’s revolutionary determination so that they renounce socialism. 

We are glad that a referendum to submit the new Cuban Constitution for ratification will be one of the most significant events on the 60th year of the Revolution. We trust that Cuba is holding this charter change to make the Fundamental Law of Cuba more adjusted with the changed situation while remaining faithful to the legacy of their liberation heroes and to Marxism-Leninism while perfecting the socialist process. We appreciate that the process gave much attention to holding discussions among the people before its approval by the Cuban Parliament. It belies allegations that the Cuban system is not democratic.

We celebrate as well Cuba’s other achievements. Those on health, biotechnology and education are well-known. Despite the natural disasters and the blockade, Cuban economy registered growth. Cuba has noteworthy improvements in agriculture, in infrastructure, housing, paying pension and other material benefits. Cuba continues to shine in sports and in the arts.

A Bolsonaro can never erase Cuba’s outstanding record in internationalist-humanist work. Cuba has provided more medical personnel to the developing world than all the G8 countries combined. They are in many countries of Latin America, Africa, even in Asia and the Pacific. Cuba has trained students from different countries to become doctors. And Cuba couldn’t have done this if not for the revolution that triumphed in 1959.

Indeed, the victory of the Cuban revolution is a victory of humanity! 

Imperialists and their agents are ever angrier at Cuba for its people’s indefatigable spirit. The struggle continues and the Cuban people will come out victorious!

Let peoples of the entire world celebrate! 

Let us continue supporting Cuba against imperialist attacks!

Long Live the Cuban Revolution!

Martes, Enero 1, 2019

Sa Taon ng Baboy 2019

SA TAON NG BABOY 2019

paano na't dumatal muli ang taon ng baboy
buhay kaya ng dukha'y patuloy na mabababoy
kayraming pinaslang, kinulong ang tambay, palaboy
binaboy ang proseso't hustisya, dukha'y nanaghoy

sa taon ng baboy, kumusta ang buhay ng madla
mga maralita ba'y may pag-asang guminhawa
may wastong proseso't tamang paglilitis na kaya
upang dukha'y di na matotokhang at makawawa

sa taon ng baboy, dangal ng tao'y irespeto
may dignidad bawat mamamayan sa bansang ito
katarungan para sa pinaslang nawa'y matamo
huwag sanang mababoy ang karapatang pantao

magbigkis-bigkis at dapat tayong magkapitbisig
laban sa mga inhustisyang dulot ay ligalig
sa taon ng baboy, ipakita ang ating tindig
mga bumaboy sa hustisya'y dapat lang mausig

- gregbituinjr.

Bagong Taon, Lumang Sistema

BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA

panibagong petsa na naman ang papalit ngayon
tulad ng kalendaryong nagpapalit taun-taon
bulok pa rin ang sistema't dapat magrebolusyon
pagkat petsa lang ang nagbabago sa Bagong Taon

lumang sistema, Bagong Taon, iyan ang totoo
ang kalagayan ng masa'y di pa rin nagbabago
manggagawa'y kontraktwal pa rin, mababa ang sweldo
uring obrero'y alipin pa ng kapitalismo

ang Bagong Taon pa'y sinasalubong ng paputok
tila katatagan ng bawat isa'y sinusubok
animo'y digma, nagpuputukan, nakikihamok
kayraming putok na kamay nang lumipas ang usok

Bagong Taon, lumang sistema, ang katotohanan
elitista pa rin itong naghahari-harian
kailangan pa rin nating maghimagsik, lumaban
upang itayo ang isang makataong lipunan

- gregbituinjr.