minsan, ayaw ko nang mag-isip, ayaw nang kumatha
minsan, nais ko nang biglang mawalang parang bula
ang panahon ng kwarantina'y nakakatulala
animo'y digmaang ang patay ay kabi-kabila
nais ko nang matulog kahit labinglimang taon
at gigising lang sa ikalabing-anim na taon
maglalakbay doon sa malayo, maglilimayon
magmumulat na lang ng mata sa ibang panahon
ah, depresyon na ba itong aking nararamdaman
ay, di pa tapos ang laban, di ba? walang ayawan!
nagsusulat pa rin ako't nagsisilbi sa bayan
patuloy ang pagkatha't kumakatha sa kawalan
hungkag ba ang buhay sa panahon ng kwarantina?
buhay ba sa mundo'y anong esensya, ang halaga?
marahil kailangan ko itong itulog muna
at baka bukas masalubong ang bagong umaga
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento